Kakayahang kognitibo ng mag-aaral sa Filipino 7: Batayan sa pagbuo na animasyon ng panitikang Bisaya
Share
Zusammenfassung
Ang debelopmental na pananaliksik na ito ay may layuning makabuo at tumiyak ng kahusayan ng nabuong animasyon sa Panitikang Bisaya para sa Ikalawang Markahan sa asignaturang Filipino 7. Ito ay ibinatay sa mababang kabuuang marka ng mga mag- aaral sa Filipino 7 -ikalawang Markahan na may temang Panitikang Bisayas: Repleksiyon ng Kabisayaan. Ang suliraning ito sa kognitibong kahinaan ng mga mag- aaral sa panitikang Bisaya ang nag-udyok sa mananaliksik upang isagawa ang pag- aaral na tutugon sa pangangailangang ito. Isinaalang-alang at pinagbatayan ng pag- aaral na ito ang Instructional Design Theory sa pagdedisenyo ng kagamitang pang- instruksiyon. Sumunod rin ang pag-aaral na ito sa proseso ng modelong ADDIE bilang balangkas ng pagdisenyo at paglinang ng isang animasyon. Ang mga kagamitang ginamit sa pagtitipon ng mga datos ay ang Curriculum Guide sa Baitang 7 sa Filipino bilang gabay sa paglinang ng kakayahang kognitibo ng mga mag-aaral sa panitikang pagkatuto at pagpapahalaga, talatanungan sa pagtataya sa antas ng kahusayan ng animasyon bilang kagamitang pampagtuturo batay sa sumusunod na pamantayan: layunin, paksang-aralin, nilalaman, yugto ng pagkatuto, at estilo at presentasyon, at pagtataya sa antas ng kahusayan ng animasyon bilang audio-visual na lunsaran batay sa sumusunod na pamantayan: aspektong biswal, at mga sangkap panteknolohiya. Ang binuong animasyon ng mga pantikang Bisaya na itinuturo sa Baitang 7 ay tinaya ng mga guro sa Filipino 7 at eksperto sa edukasyon. Lumabas na napakahusay nang binuong animasyon sa kabuuan. Ayon sa kinalabasan ng pag-aaral, ang animasyong binuo ay nakatutulong sa pag- unlad ng kakayahang kognitibo ng mag-aaral, angkop sa kakayahan nilang matuto, naaayon sa interes ng mga mag-aaral, naging solusyon sa mga pang-edukasyong suliranin, at sumasabay sa mga makabagong pangangailangan sa pagkatuto ng mga mag-aaral. Nasa panahon na tayo na malaki ang impluwensya ng multimedia kaya kinakailangan ang mga makabagong kagamitan sa pagtuturo na angkop sa interes ng mga mag-aaral, makagaganyak sa aktibong partisipasyon sa proseso ng pagtuturo at pagkatuto, at makabagong estratehiya sa pagtamo ng mga pamantayang pangnilalaman at pagganap sa mga aralin na napabibilang sa ating kurikulum. Dahil dito, iminumungkahi sa mga guro na gamitin ang nabuong animasyon sa pagtuturo ng Filipino 7 upang maging tugon sa suliraning kahinaang pangkoginitibo ng mga mag- aaral sa pagkatuto at pagpapahalagang pampanitikan. Maaari rin itong maging batayan sa pagbuo ng mga gawain o kagamitang pampagtuturo na angkop sa pangangailangan ng mga mag-aaral.
Recommended Citation
Isip, J. G. A. (2024). Kakayahang kognitibo ng mag-aaral sa Filipino 7: batayan sa pagbuo na animasyon ng panitikang Bisaya. [Masters' Thesis, West Visayas State University]. WVSU Institutional Repository and Electronic Dissertations and Theses PLUS.
Type
ThesisKeywords
Degree Discipline
FilipinoDegree Name
Master of Arts in EducationDegree Level
MastersPhysical Description
xii, 169 p. :ill.(col.)
Collections
- 2. Master's Theses [115]