Ang mga mangangayaw mula sa Quinangyana, Bingawan, Iloilo
Share
Abstract
Ang papel na ito ay tungkol sa mga mangangayaw o mga Overseas Filipino Worker (OFW) mula sa Quinangyana, Bingawan, Iloilo. Isa ang Quinangyana sa 14 na barangay na bumubuo ng bayan ng Bingawan. Sakop na rin kung tutuusin ang lugar na ito sa tinatawag natin na Indigenous People's Area sa Central Panay (Caballero-Dordas 2019, 19). Hindi man nakilala ang Bingawan sa ating pambansang kasaysayan, mayroon naman itong mga natatanging kakanyahan. Bilang katabing barangay ng Duran (sakop na ng bayan ng Dumalag, Capiz) ang inaaral na barangay, masasabing halos nasa pusod na ito kung tutuusin ng Isla ng Panay sapagkat nasa hangganan ito ng mga lalawigan ng Iloilo at Capiz. Makikita sa pook na ito ang mga materyal na kultura kagaya ng mga kiskisan ng palay, bulang (tari) na ginagamit sa sabong, paningan (panning) na ginagamit para sa maliit na gawain ng pagmimina. Isa pa kanyang katangian ang pagkakaroon ng maraming OFWs na kasalukuyang nasa iba-ibang lupalop ng mundo kagaya ng Australia, Saudi Arabia, Hong Kong at iba pang bansa sa ibayong dagat. Gamit ang mga batis mula sa online na panayam (messenger), at maging sa aktuwal na panayam mismo, sisipatin ng papel na ito ang una, ang kanilang mga karanasan sa paghihirap; pangalawa, pagsilip sa kanilang naging tagumpay, mga naipundar at kaginhawaang natamo sa pangangayaw; at ang ikatlo, sisipatin sa mga lente ng functionalism, conflict at symbolic interactionism theory ang penomenong OFW o pangangangayaw. Gamit ang interbyu, archival at mga imahinasyong sosyolohikal ni C. Wright Mills (Newman & O’brien 2010, 4), at sa tulong na rin ng mga ideya mula kina Emile Durkheim (Functionalism Theory), Karl Marx (Conflict theory) at Charles Cooley (Looking Glass-Self Theory na halimbawa ng Symbolic Interactionism Theory nina Blummer at Mead) (Crotty 2003, 5). Maliit man ang barangay Quinangyana, mainam itong pag-aralan upang maipakita ang penomenong pangangayaw na nakatuon sa isang barangay.
Recommended Citation
Detaro, R. F. (2021). Ang mga mangangayaw mula sa Quinangyana, Bingawan, Iloilo. In V. C. Villan, & K. R. Esquejo (Mga Patnugot). PANGANGAYAW: Ang pangingibang-bayan at paghahanap ng ginhawa sa kasaysayan at kalinangang Pilipino (pp. 419-435). Asosasyon ng mga Dalubhasa, may Hilig at Interes sa Kasaysayan ng Pilipinas (ADHIKA ng Pilipinas), Inc.; National Commission for Culture and the Arts.