Mga kaalamang bayan ng Kanlurang Bisayas: Pagtitipon, pagsasalin at pagsusuring sosyo-kultural
Share
Zusammenfassung
Layunin ng palarawang pananaliksik na ito na matipon, maisalin at masuri ang mga kaalamang bayan ng mga taga-Kanlurang Bisayas gamit ang dulog sosyo-kultural. Ang natipong mga kaalamang bayan ay pinangkat batay sa uri at tema, isinalin ang mga ito sa wikang Filipino at sinuri ayon sa sosyo-kultural na pananaw. Tinangka ding alamin ang antas ng kahusayan ng ginawang pagsasalin sa kabuuan at ayon sa mga pamantayan. Katampatang tuos ang estadistikang ginamit sa pagsusuri ng mga datos. Natuklasan sa pag-aaral na sa kabuuan, mataas ang antas ng ginawang salin at gayundin sa aspekto ng kaangkupan ng salin, kawastuang pambalarila, katangiang pampanitikan, kalinawan ng salin, kawastuang panretorika, at patalinhagang pagpapahayag. Sa pagsusuri ay nahugot ang mga paksa at tema gaya ng mga paganong ritwal at mga kalinangan, tagumpay at kabiguan, mga patunay ng pagyakap ng mga kristiyanong pananampalataya, mga imahen at larawan ng buhay at pamumuhay, mga istruktura ng lipunang kaugnay ng lantad at di-lantad na oryentasyong etikal na ipinahihiwatig ng mga kaalamang-bayan, implikasyon, at kongklusyon. Ang mga tugma ay mayaman din sa mga kalinangang puno ng panliligaw, pamamanhikan at pagpapakasal. Nasalamin din ang iba't ibang ng mga pagpapahalaga sa kaugalian, paniniwala at pakikipamuhay, paraan kulay ng tagumpay at kabiguan sa buhay: sa pagkamit ng mga mithiin at pagtugon sa pangangailangan, paglutas ng suliranin, pagtatagumpay sa pag ibig, pagtatagumpay ng mga magulang sa kanilang mga anak, at sa pagkamit ng kalayaan, Batay sa pagsusuring ginawa nabuo ang sumusunod na mga kongklusyon: Ang mga taga-Kanlurang Bisayas ay mapamahiin, may lubos na pagpapahalaga sa pamilya at kaibigan, masayahin at positibo ang pananaw sa buhay, malikhain at mapamaraan, matatag, hindi kaagad sumusuko sa mga pagsubok sa buhay, maliban sa pagiging mapagmahal sila ay napakaemosyunal at sentimental pagdating sa pag-ibig, mayroon silang matinding pananalig ar debosyon hindi lamang sa Panginoong Diyos kundi kay Birhen Maria; mayroon silang mataas na pagpapahalagang moral at ispiritwal. Itinatangi pa rin ang kagandahan at lambing ng mga kabababaihan.Sa pamilya umiikot ang lahat na pangarap at adhikain, humuhugot ng lakas ang sino mang kasapi nito.